Tuesday, March 12, 2013

Nasosobrahan sa Pag-iisip

Minsan naiisip ko na nalilimitahan ako masyado ng sakit ko. Marami akong ginagawa noon na hindi ko na magawa ngayon. Kasama na dito ang pagtula. Hirap na akong sumulat, parang ang mga karanasan ko na noon ay laging inspirasyon ko sa pagsulat ay wala nang bisa ngayon dahil hirap na akong tandaan ang mga ilang pangyayari. Madalas ay malabo kapag binabalikan ko, madalas may nawawalang detalye. Minsan may nagbiro sa akin na may Alzheimer's daw ako, muntik ko na sipain yung tao!

Kasunod ng hindi ko na pagtula ay ang hindi ko na pagpunta sa workshop. Nawalan ako ng interes (pasintabi sa mga kasama sa grupo) sapagkat wala naman akong tula na maipakikita dahil nga hindi ako sumusulat. Minsan may nagpayo sa akin na magbasa ako ng mga tula para bumalik ang gana ko. Sinubukan ko naman, pero hindi ko rin matagalan magbasa. Parang wala rin doon ang interes ko.

Naisip ko tuloy nung lumaon na ang hindi ko pagtula ay latak na lang ng epekto ng sakit ko. Ang pinakanauunang epekto nito ay ang kawalan ko ng interes sa maraming bagay.

Liban sa pagtula nawala na rin ang interes ko sa pag-gimik. Kapag napupunta ako sa matataong lugar ngayon ay para akong nabibingi, naiirita. Mas gusto ko na ngayon ang narito lang sa bahay--tahimik. Ang langit na bar at restaurant sa akin noon ay tila purgatoryo na ngayon na hindi ko maintindihan kung pananatilihan ko para sa pakikisama o lalayasan ko dahil sa iritasyon.

Idagdag pa natin ang nawalang hilig ko sa pagbabasa. Noon ay napakahilig kong magbasa, kung hindi nobela ang binabasa ko, mga artikulo sa magazine o dyaryo. Minsan nga pati textbook ginagawa ko rin libangan eh, may mabasa lang. Pero ngayon, ni hindi ko matapos tapos ang isang chapter nitong libro na inumpisahan ko dalawang buwan na ang nakararaan. Baka maunahan pa ako ng anay na tapusin ang libro.

Ang isa naman na hindi ko inaasahang mangyari ay ang unti-unti na ring pagkawala ng interes ko sa pagkanta. Noon, lagi akong kumakanta, masaya man ako o malungkot, pang-hanap buhay man yan o pampalipas oras lang. Ngayon, swerte nang kumanta ako sa isang araw. Pinipilit ko naman kumanta eh, pero hindi na tulad ng dati ang pakiramdam, hindi na gumagaan ang pakiramdam ko kapag kumakanta ako ngayon. Hindi naman ako sa nalulungkot, pero hindi na rin ako napaliligaya nito.

O sige nga nga, babanggitin ko na rin ang hinihintay nyo, nawalan na rin ako ng interes sa sigarilyo at alak. Hindi ko alam kung talagang nawalan ako ng interes kasi hindi ko pa naman sinusubukan na gawin mula nang gumaling ako eh. Ayoko rin subukan kasi baka hindi naman talaga ako nawalan ng interes dun, baka kaya lang hindi ko ginagawa ay dahil hindi naman naihahain sa akin.

May dalawa lang akong interes na hindi nawawala, interes sa pera at sa pagkain. Isa kasi itong realidad na kailangan harapin, na sa gusto ko man o sa ayaw ko, kailangan ko kumita ng pera para makabili ng pangangailangan, at kailangan ko magluto at kumain para manatili akong malakas.

Pero sa kabila ng mga naglahong interes na ito, nakagugulat na masaya ako. Masaya ako na narito lang ako sa bahay. Masaya ako na nakatunganga at kumakain lang ako madalas. Masaya ako na konti lang ang taong nakapaligid sa akin. Masaya ako na wala na akong paki-alam masyado sa mundo kundi rin lang naman konektado sa ikaliligaya ng mga anak ko o ng mga magulang ko.

Nakagugulat kasi ang mga interes ko ngayon ay mga bagay na noon ay madalas kong nababalewala.

Naku, hindi kaya maging interesado na ko sa...(secret, bawal tsismosa!)

No comments:

Post a Comment